@Editorial | May 26, 2021
Ilang videos ang kumakalat online kung saan mapapanood ang ilang kabataan na nagpapasaway sa gitna ng banta ng COVID-19.
Sa isang video, makikita sa kalsada ang nagra-riot na magkaibang grupo ng mga kabataan — nagbabatuhan ng bote, naghahabulan at walang pakialam kung may madamay.
Habang sa isang ulat, ilang kabataan ang nahuli namang nagba-volleyball kahit na umiiral ang curfew.
Nagawa pa umano nilang batuhin ng bote ang mga awtoridad na nanita sa kanila.
Bukod sa paglabag sa curfew, wala ring face mask o mali ang pagkakasuot at dedma na rin sa social distancing. Sa video, makikita na nagtatago sa eskinita ang mga ito tuwing may dadaang police mobile.
Ang unang tanong, nasaan ang magulang ng mga menor-de-edad na ito? Paano nakalalabas ng bahay at nakakapamerhuwsiyo? Tila hindi sila natatakot sa banta ng nakamamatay na COVID-19.
Marahil ay kailangan ng mas mabigat na parusa, lalo na sa mga magulang na sila dapat ang responsable sa kanilang mga anak.
Hindi na siguro uubra ‘yung puro sermon na lang sa barangay dahil ‘pag pinauwi na ang mga ‘yan, babalik na naman sa lansangan at gagawa ng gulo.