@Editorial | June 05, 2021
Kontrobersiyal na naman ang hanay ng kapulisan sa mga panahong ito.
Matapos ang insidente ng pagpatay ng isang pulis sa isang ginang, pagkakasangkot sa scam at panghuhulidap, isa namang parak ang nasangkot sa walang kamatayang pangongotong.
Agad na dinisarmahan ang pulis na sinasabing sangkot sa pangongolekta ng pera mula sa mga nagdaraang truck drivers. Sa probinsiya nagaganap ang operasyon at batid naman natin na talamak din ‘yan sa ilang lungsod sa Metro Manila.
Sa kabila ng todo-kayod na maiangat ang kapulisan at malinis ang bahid ng anumang uri ng krimen, talagang may mga pasaway pa rin na binababoy ang kanilang uniporme.
Marahil ay nagiging maluwag o kampante ang ahensiya sa kanilang mga tauhan. May mga puna rin na tila napakadali nang maging pulis. Tipong kahit sino ay puwede pero ang problema, ‘pag nakauniporme at may kapangyarihan na, eh, nakakalimot na sa sarili.
Panahon na para maghigpit sa hanay ng kapulisan para walang nakakalusot na bulok na puwedeng makahawa sa iba.
Ngayon pa naman ang panahon na mas kailangan ang inyong serisyo at proteksiyon. Halos araw-araw ay may nagaganap na karumal-dumal na krimen. Ang masaklap, kabaro n’yo pa ang sangkot.
Panawagan sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), kumustahin sana ang bawat pulis kung sila ba’y nararapat pa bilang mga alagad ng batas.