@Editorial | June 14, 2021
Maaari nang simulan ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa indigent population o mga kasama sa kategorya ng A5, gamit ang mga bakunang ibinigay ng COVAX facility.
Kabilang sa kategoryang ito ay ang mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Matatandaang una nang naging kontrobersiyal ang hirit ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na walang ayuda sa mga ayaw magpabakuna.
At ngayon ngang aarangkada na ang turukan sa mahihirap, inaabangan kung matutuloy din kaya ang nasabing kondisyon.
May mga pumapalag at naniniwalang mali ito at lumalabas na sapilitan ang pagbabakuna, tipong walang pagpipilian kundi ang magpaturok kahit labag sa kalooban, alang-alang sa tulong mula sa gobyerno.
At siguro naman, sa ilang araw na lumipas at marami na ang nagpapabakuna, kahit paano silang mga natatakot ay nakumbinse na rin at hindi na kailangan ng kung anu-anong kondisyon o kapalit, lalo na kung naipaliwanag na nang malinaw ang kahalagahan nito.
Sa anumang usapin, hindi kailangan ng pananakot o panggigipit, ang maayos na pagpapaliwanag ay sapat na para magkaintindihan at magkaroon ng tiwala, lalo na sa mga isyu sa bayan.