@Editorial | June 26, 2021
Binigyan na ng ultimatum ang mga ahensiya ng gobyerno na sinasabing may utang na allowances at benefits sa mga healthcare workers.
Napag-alamang hanggang sa katapusan na lamang ng kasalukuyang buwan ang Bayanihan 2, na napaglaanan ng budget para sa mga health workers.
Batid naman nating pinaghirapan ng Kongreso na maipasa ang batas at isinama sa pondo ang mga benepisyo para sa mga frontliners.
Kahit man lang sa pamamagitan nito ay mapasalamatan at mabigyang-pagkilala ang mga serbisyo at sakripisyo ng mga nangangalaga sa kalusugan ng bayan, lalo na ngayong may pandemya — literal na buhay ang kanilang iniaalay.
Matatandaang kinondena ng mga healthcare workers ang hindi pa rin pagbibigay sa kanila ng allowances at dagdag-benepisyo at anila hindi katanggap-tanggap ang pagdadahilan na ang kanilang pera ay nagastos sa mga ibang bagay para sa pagtugon sa pandemya.
Sana, itong ultimatum na ibinigay ng Kongreso ay maging malinaw sa mga kinauukulan na ibigay na ang nararapat lalo na’t dumaan ito sa proseso.
Ano’ng silbi ng mga gamot o kagamitan kung wala namang mga nurse o doktor? Puwede ba ‘yang basta na lang gamitin ng mga pasyente?
Huwag nang hintaying tuluyan nang magsipaglayasan ang mga health workers, dahil mas matinding problema ‘yan ‘pag nagkataon.