@Editorial | July 03, 2021
Muli na namang nagparamdam ang Bulkang Taal.
Kasunod ng pag-aalboroto nito, agad namang itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal.
Kasabay ang mas mahigpit na pagmo-monitor ng mga awtoridad.
Samantala, aabot sa P12.4 milyong halaga ng ayuda ang nakaantabay na para ipamahagi sa mga apektadong residente sa Laurel at Agoncillo at iba pang kalapit na munisipalidad sa Batangas.
Sa naturang halaga, P1.4 milyon ang nakalaan para sa food packs habang P11 milyon naman para sa non-food items.
Naka-heightened alert status na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 4-A.
Activated na rin ang Joint Task Force Taal ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command para tulungan ang operasyon ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang local government units.
Nakaalerto na rin ang Philippine National Police sa Region 4-A (CALABARZON) at nakikipag-ugnayan na sa mga residente.
Ang mga sasakyan at tauhan ang Philippine Coast Guard (PCG) Logistics Systems Command ay naka-deploy na rin para alalayan ang PCG District Southern Tagalog sa pagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster relief operations.
Kapansin-pansin na talagang natuto na ang ating mga kababayan at maging ang gobyerno sa pagharap sa mga ganitong ganap. Talagang nagiging mas maagap, maingat, alerto at sistematiko na sa bawat gawal.
Sana ay hindi magdulot ng matinding pinsala ang pag-aalboroto ng bulkan, dahil batid naman nating marami pa rin ang halos nagsisimula pa lang bumangon mula sa naganap na pagsabog noong nakaraang taon.
Ang pinakamainam pa ring gawin ay magdasal at maging mas matatag, tulad n gating ginagawa sa gitna ng pandemya na ngayo’y unti-unti na nating nakokontrol.