ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 15, 2023
Para matulungan ang mga nahihirapang mag-aaral na makahabol sa kanilang mga aralin, mariin nating hinihikayat ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng mga epektibong intervention programs.
Mainam na paraan ito upang mahinto na ang mass promotion sa mga silid-aralan o ‘yung pagpasa ng mga mag-aaral sa kanilang mga aralin sa kabila ng kakulangan sa kanilang kakayahan at kaalaman.
Lumabas sa State of Education Report ng advocacy group na Philippine Business for Education (PBEd) na ang pananatili nitong kultura ng mass promotion ay nakakapinsala sa pagkatuto ng ating mga mag-aaral at sa kaunlaran ng bansa.
May mahigit-kumulang na 300 stakeholders, kasama na rito ang mga teachers at school leaders na lumahok sa nasabing pag-aaral, kung saan lumabas ang koneksyon sa pagitan ng performance ng mga mag-aaral, performance-based bonus ng mga guro, at ranking ng mga paaralan sa mga rehiyon.
Hindi kaila na kinakailangan talaga ng masusing assessment sa mga mag-aaral upang matukoy kung anong mga remediation at intervention ang maaaring makatulong sa mga bata lalo na’t nagdulot ng learning loss ang pandemya ng COVID-19.
Sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act o ang Senate Bill No. 1604, isinusulong ng inyong lingkod ang masusing assessment sa kakayahan ng mga mag-aaral bilang bahagi ng learning recovery. Nakasaad sa panukalang batas na bago simulan ang ARAL Program, kailangan munang magsagawa ng assessment para matukoy ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.
Hindi na natin dapat ipagpatuloy ang kultura na para lamang makatapos sila ng pag-aaral ay kailangan na silang ipasa, pero hindi naman sila natututo. Tatalakayin sa ating Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) kung paano wawakasan ang kultura ng mass promotion at maiangat ang performance ng mga kabataan.
Sama-sama nating tutukan at paangatin ang ating sektor ng edukasyon upang masiguro na walang kabataang Pilipino ang mapag-iiwanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com