@Editorial | July 07, 2021
Kaugnay pa rin sa pagbagsak ng C-130 transport plane ng Philippine Air Force (PAF) sa Patikul, Sulu, may mga panawagan na pabilisin ang modernisasyon sa puwersang panghimpapawid ng bansa.
Apela ng mga mambabatas at maging ng mamamayan sa gobyerno, maghanap ng pondo para bumili ng mga moderno at bagong aircrafts nang mapalitan na ang lumang air assets ng PAF.
Bukod sa mga sasakyan at kagamitan, dapat ding mas matutukan ang mismong training ng mga piloto para sa lahat ng uri ng aircrafts.
Nakapanlulumo na mahigit 50 buhay ang biglang nawala sa isang iglap.
Bagama’t, batid nila na sila’y patungo sa lugar na maaari silang mapahamak, baon pa rin nila ang pag-asa na makakauwi sa kani-kanilang pamilya nang buhay. Hanggang sa mangyari ang insidente at wala nang pagkakataong makabalik pa. Sana’y maiwasan na ang mga ganitong trahedya.
Batid nating walang makapagsasabi kung hanggang kailan ang buhay o sa kung ano’ng paraan ito babawiin, pero dapat pa rin nating ingatan at pahalagan dahil ito’y ipinagkatiwala Niya sa atin.