@Editorial | July 12, 2021
Ngayong pinayagan na ang mga bata, partikular ang mga edad lima at pataas na lumabas, tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na kanilang paiiralin ang “maximum tolerance” sa pagpapatupad sa nasabing panibagong protocol.
Kasabay nito ang paalala sa mga magulang na magdoble-ingat sa paglabas kasama ang mga anak.
Unang-una, alamin kung saan lamang sila puwedeng pumunta. Batay sa panuntunan, papayagan lang sila sa mga parks, playgrounds, outdoor tourism areas at biking and hiking trails basta’t kasama ang kanilang magulang.
Mahigpit namang ipinagbabawal ang mga bata sa mga mall at katulad na establisimyento.
Kung may paglabag na ginawa mula sa mga panuntuhan, walang ibang mananagot kundi siyempre ang magulang.
Bukod sa pag-iingat na hindi mapanagot, higit dapat iwasan ay ang mapahamak ang mga bata.
Hindi pa rin dapat magpakampante lalo na’t nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 at may mga sumusulpot pang bagong variant na sinasabing mas mabilis makahawa.
Hindi kailangang takutin ang mga anak, sapat nang maipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng pag-iingat laban sa sakit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga health protocols. Simulan sa pagtuturo ng wastong pagsusuot ng facemask at paghuhugas ng mga kamay.
Sa atin namang kapulisan at sa iba pang tagapagpatupad ng batas sa gitna ng pandemya, umaasa ang taumbayan sa inyong pahayag na magiging mas malawak ang inyong pang-unawa at mahaba ang pasensiya sakaling lumabag sa panuntunan ang mga bata.