@Editorial | July 19, 2021
Nagbabala na ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagtaas ng local cases ng Delta COVID-19 variant na unang naiulat sa India.
Kaugnay nito, naniniwala ang OCTA Research Group na ang muling pagpapatupad ng NCR Plus bubble sa Metro Manila at karatig probinsiya ay malaking tulong para maprotektahan ang mga lugar sa pagkalat ng nasabing mas nakahahawang variant.
Ang ideya ng ‘bubble’ ay para maiwasan ang pagkalat pa ng Delta variant dahil magiging limitado ang galaw na para lamang sa mga essential travels.
Kapag may ‘bubble’, protektado ang nasa loob ng NCR Plus at hindi ito maaapektuhan mula sa labas at patuloy ang ekonomiya. Ganundin sa mga karatig na lalawigan.
Bagama’t kapag umiral ang ‘bubble’, ang mga bata ay mahigpit na ipinagbabawal na lumabas ng bahay. Ang Delta variant ay maaari umanong makapagdulot ng long-term effects COVID-19 sa kabataan. Kaya mas dapat silang ingatan.
Ngayon pa lang ay dapat nang maging alerto at huwag nang hintaying magkaroon pa ng surge ng COVID-19 cases, mas mahirap labanan ang kaaway na hindi nakikita at mas lalo na ‘pag kalat na.
Sana’y marami na tayong natutunan sa haba ng panahon na namumuhay tayo sa gitna ng pandemya. Ang simpleng pagsunod sa mga health protocol ay malaking tulong at sasabayan pa ng mga strategy na hindi naman malalagay sa alanganin ang ating mamumuhay lalo na ang ekonomiya.