@Editorial | July 22, 2021
Kaway-kaway sa mga taga-pamalengke na madalas umuwing dismayado dahil sa presyo ng mga bilihin.
Kung dati, malayo na ang nararating ng isang libong pisong budget, ngayon halos pang-tatlong araw na lang ang naitatawid.
Dumating pa ang pandemya, natigil ang trabaho, nalugi ang negosyo. Talagang grabeng diskarte ang ginawa ng lahat para mairaos ang bawat araw.
Kaugnay nito, iniulat namang inaprubahan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bibilihin.
Mayroon umanong hanggang P1 ang itataas tulad ng sardinas, kape, noodles at mga sawsawan. Ito ‘yung mga masasabing pantawid-gutom o takbuhan ng mga hindi na kayang makapamalengke at makapagluto.
Ayon naman sa DTI, mahigit dalawang taon nang walang taas-presyo ang nasabing mga produkto kaya pinagbigyan ang mga manufacturer nang humirit ang mga ito ng taas-presyo.
Paglilinaw ng pamunuan ng ahensiya, magiging epektibo lamang ito kapag nailabas na nila ang advisory at nailathala na sa mga pangunahing pahayagan ng bansa.
Nangangahulugan ito na kailangang mag-adjust sa budget at galingan pa ang diskarte sa pagtitipid.
Tulad ng mga dumating na pagsubok sa atin tulad ng mga kalamidad at iba’t ibang krisis sa kabuhayan, umasa tayo na malalagpasan din natin ito.
Sabay-sabay mang magdatingan ang mga problema, unti-unti din itong matatapos at makararanas din tayo ng ginhawa.