@Editorial | July 25, 2021
Tag-ulan na talaga at ‘pag ganitong panahon, kasabay na ang tag-baha.
Isa pa rin sa tinutukoy na sanhi ay ang mga basurang basta na lang itinatapon na bumabara sa mga drainage.
Kaugnay nito, may parusang nais ipanukala ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipataw sa mga maaarestong nagtatapon ng kanilang basura sa hindi tamang lugar.
Ayon sa pamunuan ng MMDA, nais nilang ipanukala sa local government units (LGUs) na imbes na pagmultahin ang mga naarestong nagtatapon ng kanilang basura ay dapat sila’y paglinisin na lamang ng mga estero at kanal.
Sa ganitong paraan umano ay mararamdaman nila kung gaano kahirap ang magtanggal ng mga basurang bumabara sa iba’t ibang estero.
Sa mga susunod na araw ay magpapakalat na umano ng mga marshals na sisita at huhuli sa mga lalabag.
Hanggang ngayon ay marami pa rin ang walang disiplina pagdating sa wastong pagtatapon ng basura.
Hindi pa rin naiisip ang matinding problema na puwedeng maidulot ng kapabayaan.
Gaano ba kahirap na itapon ang kalat sa basurahan? Kailangan pang hintaying umulan at magbaha nang matindi bago na naman maisip na mali ang basta pagtatapon kung saan-saan?
Bago pa pumasok ang tag-ulan, panay na ang paalala na maglinis at tiyaking nasa maayos ang mga basura, lalo na ngayong may mga nadagdag dulot ng pandemya — disposable facemask, face shield, gloves at iba pa.
Sa totoo lang, kung isasaisip at puso lang ng bawat isa ang kahalagahan ng tamang pagtatapon ng basura, hindi na kailangan ng anumang parusa dahil napakalaking bagay na ‘yung bilang kapalit ng pagiging disiplinado ay wala tayong problema sa baha.