@Editorial | August 02, 2021
Nagsimula na kahapon ng alas-12:00 ng hatinggabi, August 1, ang pagpapatupad ng mga border control points sa NCR Plus, ang Metro Manila at karatig lalawigan ng Rizal, Laguna, Bulacan at Cavite.
Kaugnay nito, pagaganahin ang Quarantine Control Points (QCPs) o checkpoints sa mga lagusan sa bawat boundary ng NCR Plus.
Walang ibang dapat makalusot kundi ang mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR), na kailangang magpakita ng kanilang IATF ID o company ID.
Kaya asahan ang mas maraming pulis sa paligid, lalo na sa mga boundary ng Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan. Ang kautusan ay alinsunod sa IATF Resolution No. 130-A.
Hahayaan namang makadaan sa mga checkpoints ang mga mga cargo at delivery trucks.
Ang paghihigpit ay upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19, lalo na’t may kaso ng mahigit 100 ng Delta variant sa bansa at ang sinumang lalabag ay maaring sampahan ng reklamo o paglabag sa RA 11332.
Kaya ang paalala sa publiko, bago bumiyahe, tiyakin muna na kabilang sa APOR at kumpleto ang mga dalang dokumento at ID bilang patunay. Kailangan ding magbaon ng mahabang pasensiya dahil baka abutin ng mahabang pila sa mga QCPs.
Samantala, apela naman ng mga riders, huwag lang daw sana sila ang harangin sa mga checkpoint kundi lahat ng dumaraang motorista. Wala nga namang pinipili ang COVID-19.