@Editorial | August 07, 2021
Inaasahang masimulan na sa susunod na linggo ang pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa mga residenteng apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila na umiiral na simula Agosto 6 hanggang 20.
Kaugnay nito, umapela ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na bigyan ng panahon ang mga lokal na pamahalaan na maihanda ang kanilang sistema, kasama na ang pagse-setup ng distribution points, pag-mobilize sa disbursing officers at iba pang personnel ng barangay at pulis na magbabantay sa gagawing pamamahagi ng ayuda.
Ganundin umano ang pagkonsidera sa mismong perang ipamamahagi, na kahit umano nasa bangko na ang pondo ay kung wala naman itong ganu’n karaming paper bills ay maaaring magdulot din ng kaunting panahon ng pagkaantala ng distribusyon.
Napag-alamang aabot sa P13.1 bilyon ang pondong inilaan ng gobyerno para sa ayuda kung saan, tinatayang nasa 10.7 milyong residente sa Metro Manila ang makatatanggap.
P1, 000 hanggang P4,000 ang maaaring matanggap na ayuda ng bawat pamilya depende sa dami ng miyembro.
Samantala, bukod sa Metro Manila, nasa ECQ rin ang Laguna, Cagayan de Oro at Iloilo City hanggang August 15, 2021.
Ang panawagan naman natin sa mga kinauukulan, sana’y maging mas maayos na ang pamimigay ng ayuda. Huwag na sanang mangyari ang mga eksena noong mga nakaraan na talagang buwis-buhay ang taumbayan sa pila. Nagkaroon pa ng mga kontrobersiya.
Umaasa tayo na sa pagkakataong ito ay mas mabilis at epektibo na ang sistema upang maiwasan ang gulo at ang bantang pagkalat pa ng virus sakaling hindi na naman masunod ang mga health protocols.