@Editorial | August 11, 2021
Maituturing na mga bayani ang mga frontliners sa panahon ng pandemic.
Sila ang ating mga kababayan na piniling manatili sa pagbibigay-serbisyo sa kabila ng banta ng COVID-19, hindi lang sa kanilang sarili kundi sa kanilang pamilya.
Kaya nga, anumang bagay na maaaring makagaan o makatulong sa kanila ay dapat nang ibigay.
Tulad ng sapat na suporta sa kanilang mga pangangailangan.
Tulad ng mga health workers, sumasabak din ang mga kapulisan. Sila ang nagsisilbing bantay at lakas ng mamamayan.
Hindi man matutumbasan ng anumang halaga ang kanilang paglilingkod, mainam pa rin na may naipapakita o naipararamdam tayong pasasalamat at pagkalinga sa kanila.
Sa ngayon, kinumpirma na makatatanggap ng P500 per day COVID Hazard Pay ang mga frontliner cops na naka-deploy sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ.
May mga donasyon din mula sa pribadong sektor na ipamamahagi sa mga nagmamando sa mga checkpoints, tulad ng food supplies, vitamins at supplements.
Kailangan talagang alagaan at tutukan maging ang ating mga frontliners dahil sila ang ating mga literal na kawal sa anumang krisis na ating pagdaraanan.
Parami na rin nang parami ang mga nagkakasakit sa kanilang hanay, ito sana ang dapat na mapigilan.
Kaya sa mga pasaway d’yan, mahiya naman kayo. Kung alam ninyong wala naman kayong ambag sa bayan, manahimik na lang kayo sa bahay.