@Editorial | August 13, 2021
Nasampulan na ang mga pasaway online, silang mga gumagawa ng ilegal, mahilig mang-scam at pati na ang mga nagpapakalat ng fake news.
Batay sa ulat, mahigit 80 katao ang sinampahan ng kaso ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa iba’t ibang cybercime cases ngayong panahon ng pandemya.
Nasa kabuuang 121 criminal complaints ang isinampa sa iba’t ibang korte laban sa 80 pasaway.
Kasama sa mga kaso ang pagpapakalat ng fake news sa internet, illegal online sale ng medical supplies at online scams.
Sa datos mula Marso 9 hanggang Agosto 9, nasa kabuuang 87 criminal complaints ang naisampa laban sa 52 katao dahil sa fake news; tatlong online scam complaints laban sa dalawang tao at 31 criminal complaints laban sa 26 na para naman sa online profiteering, overpricing, hoarding at unauthorized selling ng medical supplies.
Sila ang mga walang konsensiya, ginagamit ang pagkakataon para makapanlamang ng kapwa.
Umaasa tayong patuloy ang gagawing pagtugis ng mga awtoridad laban sa mga masasamang-loob.
Hindi na naawa na habang marami ang nangangamba sa gitna pandemic at halos buwis-buhay para maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan, sila naman, eh, sinasamantala ang sitwasyon para kumita.
May iba naman na sadyang wala lang magawa sa buhay kaya trip ang gumawa ng pekeng impormasyon saka ipapakalat.
Kailangan talagang may masampulan nang matindi para wala nang gumaya. ‘Pag kinasuhan, tiyaking tutuluyan para magsipagtanda.