@Editorial | November 29, 2023
Maramina ang umaaray sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. Taliwas sa mga ulat na pababa na ang presyo matapos bumaba ng 2% ang presyo ng regular milled rice nitong Oktubre sa P42.21 per kilo mula sa P43.05 noong Setyembre.
Bumaba rin umano ang presyo ng well milled rice ng 2.1% sa P45.76 per kilo mula sa P46.75 noong Setyembre.
Iginiit din na maraming suplay ng bigas sa bansa at hindi lamang ito nailabas nang tama, bagay na sana'y inaayos na ng gobyerno, mula sa pagtatanim, processing hanggang sa distribusyon at retail para maramdaman naman ang mas pinahusay na produksyon sa sektor ng agrikultura.
Ang problema, nagbabanta na namang tumaas pa ang presyo ng bigas ngayong Kapaskuhan.
Nananatili raw na mataas ang farmgate price ng palay ngayong patapos na ang anihan.
Nagbabala na rin ang isang grupo na posibleng pumalo sa 60 pesos kada kilo ng bigas sa mga susunod na linggo kung magpapatuloy ito.
Sa ganitong sitwasyon, sana'y malaman agad ng pamahalaan kung bakit iba ang nangyayari sa tila ibinibida? Ang sinasabing pagbaba ng bigas, bakit naging pataas?
Dapat ding mas paigtingin ang inspeksyon sa mga bodega ng bigas dahil baka may mga nakakalusot na naman.
Napakahalaga ng bigas, halos ito na lang ang pumupuno sa sikmura, kahit wala ng ulam, mabusog lang.