@Editorial | August 18, 2021
Tablado sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang bantang ‘no ayuda policy’ sa pasaway sa quarantine at health protocols sa isang lungsod sa bansa.
Ang nasabing polisiya ay dahil sa paulit-ulit na paglabag ng mga residente sa lockdown. Panay pa rin ang gala at tambay. May iba na hindi na nga nakasuot ng facemask, dikit-dikit pa.
Marami na umano ang nagkakasakit, ang iba ay namamatay na nang hindi naa-admit dahil punuan na ang mga ospital.
Kaya kamay na bakal gamit ang ayuda ang nakitang paraan ng alkalde.
Gayunman, ayon sa DILG, hindi maaaring harangin ng sinuman ang ayuda, dahil labag ito sa batas.
Kung gusto raw ng mayor na magpataw ng multa, saka na lang ito singilin sa violators, pagkatapos maibigay ang ayuda.
Ang problema, P1, 000 lamang ang ayuda, habang ang multa sa pasaway ay umaabot ng hanggang P5, 000.
Kung marunong lang sanang sumunod ang bawat isa sa mga ipinatutupad na panuntunan sa gitna ng pandemya ay hindi na kailangang magka-isyu pa sa ayuda at sa batas.
Simple lang naman ang nais ng mga nagpapatupad ng protocols — sumunod. Hindi naman ito para sa iilan, ito ay para sa kaligtasan ng lahat.
Hindi man tayo makapag-ambag sa mga usapin kontra-COVID-19 na mga eksperto lang ang may kakayahan, napakalaking tulong na hindi na tayo makadagdag sa problema.