@Editorial | August 25, 2021
Nakaaalarma ang dumaraming kaso ng mga bata na nagpopositibo sa COVID-19.
Talagang wala nang pinipiling edad ang virus, kahit sino ay puwedeng tamaan.
Malinaw na nagkakaroon ng hawaan at may mga nakakalimot sa pagsunod sa mga ipinatutupad na protocols laban sa COVID. Dagdag pa ang mabilis na pagkalat ng Delta variant.
Base sa talaan ng Department of Health (DOH), mayroong mahigit 200,000 na mga may edad 19 pababa ang dinapuan na ng COVID-19 mula pa noong 2020.
Kaugnay nito, ayon sa pamunuan ng DOH, maaaring isama na sa A3 vaccination priority group ng gobyerno ang mga batang may comorbidities.
Bagama’t hindi pa pinapayagan ang mga menor-de-edad na mabakunahan kontra-COVID-19, puwedeng-puwede umanong isama ang mga batang may sakit sa puso, baga at ilang mga may malubhang sakit.
Sa kasalukuyan, may approved priority groups gaya sa A1 na mga frontline health workers, A2 mga senior citizens, A3 mga taong may sakit, A4 economic frontliners at A5- indigent population.
Ang pakiusap lang sa ahensiya, bago turukan ang mga bata ay ipaunawa muna sa mga magulang ang hakbang na ito. Ipaintindi ang kahalagahan ng bakuna at tiyaking magiging ligtas ang mga anak.
Hindi maitatangging bagama’t marami na ang nagpapabakuna, may iba na natatakot pa rin at duda sa magiging epekto nito sa katawan.