@Editorial | September 01, 2021
Pumasok na ang ‘ber months’, bagama’t una nang nagparamdam ang paparating na halalan na mangyayari sa susunod na taon.
Dumidiskarte na ang mga nag-aambisyon sa puwesto at pati pandemya, ‘di pinalampas, todo-diskarte kung paano makukuha ang tiwala ng publiko.
Paalala lang, huwag gamitin ang kapangyarihan, lalo na ang kaban ng bayan para sa pamumulitika at pangangampanya.
Una nang nagbabala ang ilang mambabatas na maaaring magamit sa eleksiyon o kampanya ang bilyun-bilyong budget na laan para sa kapakinabangan ng taumbayan.
Partikular na tinutukoy ay ang P40 billion na proposed budget para sa Barangay Development Project (DBP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Napag-alamang sa 822 barangay na benepisaryo ng BDP sa taong ito, 814 barangays ang nakatanggap na ng kabuuang P16.28 bilyon o 99 na porsiyento ng budget na nakalaan sa BDP.
Ang bawat barangay na idineklarang insurgency free ay makatatanggap ng tig-P20 milyong budget.
Kabilang sa 2,271 projects para sa mga komunidad ay ang 926 construction ng farm-to-market roads, classrooms, water and sanitation systems, health stations at livelihood projects.
Agad namang binigyang-linaw ni NTF ELCAC Barangay Development Project Director Monico Batle na malabong magamit sa halalan ang nasabing pondo dahil mahigpit ang alituntunin sa pamahalaan tulad ng Republic Act 9184 or the Government Procurement Reform Act.
May rules at monitoring system umano sa local at national level at maaari umanong suriin ng kahit sino ang mga proyekto na itinatayo sa mga barangay na na-clear na sa presensiya ng mga teroristang komunista.
May pagkakataon umano na nade-delay ang ilang proyekto dahil sa sobrang istrikto ng mga alituntunin, at nag-iingat din ang mga local chief executives sa paggastos ng pondo.
Puwede ring pumunta mismo sa mga liblib na barangay na benepisaryo ng BDP at inspeksiyunin ang mga proyekto.
Napakahalaga ng bawat sentimo, grabe ang pinagdaraanan ng lahat sa gitna ng pandemya.
Huwag nating hayaan na mapunta sa iilan ang pondo ng bayan na susi para sa muli nating pagbangon at pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan.
Ayaw natin sa karahasan, gayundin sa korupsiyon.