@Editorial | September 04, 2021
Kamakailan nang ianunsiyo ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bagong suggested retail price (SRP) sa 76 items.
Mula bente sentimos hanggang piso ang absolute minimum na pinayagan ng gobyerno na maitaas sa presyo ng mga produktong ito. Kabilang ang noodles, kape, gatas, condiments at pati non-food items tulad ng sabong panlaba.
Paliwanag ng ahensiya, matagal nang hindi gumagalaw ang presyo nito o noon pang 2019 humiling na magtaas ng presyo, subalit pinigilan muna ng DTI.
Hanggang sa aprubahan na dahil hindi naman anila puwedeng patuloy na pigilan ang paggalaw ng presyo ng ilang produkto dahil baka magresulta ito sa pagbagsak ng industriya, posibleng magsara o kaya ay magbawas ng mga manggagawa o tuluyan na silang hindi mag-produce at mawalan ng pagpipilian ang consumers — domino effect.
Siniguro naman ng DTI na bantay-sarado ang presyo para mapigilan ang pang-aabuso.
Kasunod nito, nanawagan din ang gobyerno sa mga manufacturers, partikular ng mga tinatawag na ‘Christmas products’ na huwag munang magtaas ng kanilang presyo.
Bagama’t, ito lang ang panahon kung kailan medyo makababawi, baka puwedeng kung magtaas man ay minimum lang.
Batid naman nating lahat ay gustong maging mas maayos at masaya ang Kapaskuhan, na kahit paano ay may mailalatag sa mesa na mapagsasaluhan ng pamilya.
Gayunman, wala nang higit na biyaya sa magkakasamang pamilya na malusog, nagmamahalan at puno ng pag-asa sa gitna ng pandemya.