@Editorial | September 10, 2021
Wala talagang patawad ang mga ‘epalitiko’, epal na pulitiko.
Walang pinipiling panahon, makapagpapansin lang para sa ambisyon sa 2022 Elections.
Nagkalat ang mga tarpaulin sa kalsada, pa-greetings kuno ang nakasulat pero, mas malaki pa ‘yung pagmumukha sa binabati.
Ganundin sa telebisyon at radyo, kani-kanyang diskarte gamit ang COVID-19 infomercial.
Obvious na obvious din ang maagang pangangampanya sa pamamagitan ng social media. Ilang pulitiko na rin ang nakikipag-collaboration sa mga sikat na vloggers, YouTubers at influencers. Marami nga namang followers o netizens ang makakapansin sa kanila.
Hindi na nila naisip na katawa-tawa at sobrang pag-aaksaya lang ng pera ang ginagawa nilang pag-epal.
Nasa gitna tayo ng pandemya na maraming nawalan ng hanapbuhay at halos wala nang makain habang sila, abalang-abala kung paano magwawaldas ng pera para sa halalan.
Sana ‘yung pinanggastos sa tarpaulin, TV at radio ad at talent fee ng mga ginagamit na personalidad ay inilaan na lang na pang-ayuda.
Sa halip na binabalandra ang pagmumukha kung saan-saan, namigay na lang sana ng pagkain o kung sobrang paldo, ba’t hindi kayo magbigay ng trabaho o mapagkakakitaan sa mga nawalan ng kayod?
Madaling maging public employee o official pero, mahirap maging public servant.
Isipin n’yo muna kung ano ba talaga ang intensiyon n’yo sa pagpasok sa gobyerno.
Kung katulad lang din kayo ng iba na namuhunan sa kampanya at babawi ‘pag nakapuwesto na, tigilan n’yo, maawa naman kayo sa bayan.