@Editorial | September 22, 2021
Kasunod ng pag-apruba sa limitadong face-to-face classes, tiniyak naman ang mas maayos na distance learning.
Ito ay sa pamamagitan ng pagtiyak sa mas de-kalidad na self-learning modules.
Ayon sa Department of Education (DepEd), pinagbuti pa ang modules para sa higit 26 milyong mag-aaral ngayong school year 2021-2022.
Marami umanong adjustments at talagang pinagbuti pa ang quality assurance process sa modules simula pa noong Enero.
Kabilang na ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Normal University (PNU) para masuri ang mga materyales.
Para magkaroon ng better version ng modules, nagsagawa rin umano ng 2nd round ng quality assurance.
Bilang patunay, bumaba na umano nang husto ang bilang ng mga naiulat na mga mali sa modules simula noong Enero hanggang nitong Hulyo, kumpara sa higit 100 mali na nakumpirma noong Oktubre hanggang Disyembre.
'Ika nga ni Education Sec. Leonor Briones, natuto na silang mag-adjust sa ‘new normal education’ at hindi na mauulit ang mga nangyari sa nakalipas na school year.
Sana ganundin ang mga estudyante at kanilang mga nagsisilbing gabay sa distance learning.
Natutunan na sana natin ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng edukasyon sa kabila ng pandemya.
Pagtanggap sa bagong sistema at pag-a-adjust ang kailangan at hindi ang pandaraya.
Ang tinutukoy natin ay itong nabuking na online kopyahan. Wala kayong ibang niloloko kundi ang sarili.
Ang pangunahing layunin ng pag-aaral ay ang matuto.