by Info @Editorial | Dec. 21, 2024
Ang Pasko ay panahon ng pagmumuni, pagninilay at pagbabalik-loob, marapat lamang na itigil muna ang matinding alitan at pagtutunggali sa larangan ng pulitika.
Ang Kapaskuhan ay isang okasyon ng pagkakaisa, pagpapatawad at pagmamahalan — mga prinsipyong maaaring magsilbing gabay sa ating pagkilos hindi lamang sa mga oras ng kaligayahan, kundi lalo na sa mga oras ng hinagpis at paghihirap.
Ngayon, higit kailanman, tayo ay nahaharap sa mga hamon ng ating lipunan — mula sa mga isyu ng ekonomiya, mga pagsubok sa kalusugan at mga isyung nagdudulot ng pagkakawatak-watak.
Sa kabila ng lahat ng ito, dapat nating maunawaan na ang tunay na diwa ng Pasko ay hindi nasusukat sa tagumpay sa pulitika, kundi sa kapasidad nating magtaguyod ng pagmamahal at pagkakaisa sa kabila ng mga pagkakaiba.
Ang panahon ng Kapaskuhan ay isang pagkakataon na magpatawad, magtulungan, at magsama-sama sa ngalan ng pag-ibig at pagkakapwa-tao.
Kung atin sanang maipagpapaliban ang mga pampulitikang alitan, mas magiging magaan ang ating mga puso at isipan upang mas maramdaman ang tunay na espiritu ng Pasko. Ang mga pamilya, komunidad, at bansa ay may mas mataas na pangangailangan ng pagkakaisa ngayon — hindi lamang para sa pansariling kapakinabangan, kundi upang mapawi ang pasakit ng nakaraan at magsimula ng panibagong pag-asa.
Sa mga darating na araw ng Kapaskuhan, hinihikayat natin ang lahat ng sektor — mula sa mga mambabatas, pulitiko, hanggang sa bawat isa sa atin — ceasefire muna sa pulitikal na laban.
Magpokus tayo sa mga bagay na magbibigay ng ligaya at kapayapaan sa ating mga puso at sa ating mga mahal sa buhay.