by Info @Editorial | Nov. 24, 2024
Ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) na puwedeng makilahok ang mga opisyal ng barangay sa kampanya para sa 2025 midterm elections.Gayunman, nilinaw ng komisyon na may pananagutan ang mga ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kapag nakagawa ng mga pagkakamali.
Matatandaang nakasaad sa 2010 ruling ng Supreme Court (SC) na pinapayagan ang mga barangay official na makilahok sa pangangampanya ngunit kailangang sumunod sila sa mga alituntunin.
Ang barangay officials umano ay puwede pa ring patawan ng disciplinary action. Maaaring hindi election offense pero may ibang batas umano para rito. Ang tinutukoy na batas ng Comelec chief ay ang Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991. Batay sa SC ruling, ang “political partisanship is the inevitable essence of a political office, elective positions included”. Nakasaad sa desisyon ng SC na hindi saklaw ang mga elected official sa pagbabawal sa mga opisyal at kawani ng serbisyo sibil na makilahok sa partisan political campaigning.
Ang mga barangay official ay may mahalagang papel sa ating lokal na pamahalaan. Sila ang mga taong pinakamalapit sa mga mamamayan at may direktang ugnayan sa mga isyung kinakaharap ng bawat barangay.
Gayunman, ang pakikilahok ng mga barangay official sa kampanya ng eleksyon, lalo na sa mga pambansang eleksyon, ay isang isyung may malalim na implikasyon sa ating demokrasya at sa integridad ng mga halalan.
Marami pa rin ang umano’y sang-ayon na ang kanilang posisyon ay dapat na neutral at hindi nagiging sanhi ng ‘di pagkakapantay-pantay sa mga kandidato.Bagama’t, hindi maikakaila na noon pa man, sa bawat eleksyon, maraming barangay official ang nasasangkot sa pagpapalaganap ng mga pangalan at plataporma ng mga kandidato.
Minsan, hindi nila nakikita na ang kanilang mga aksyon ay nagiging sanhi ng hindi pagkakapantay-pantay, lalo na sa mga barangay na may kontroladong administratibo at pinansyal na pondo na maaari nilang gamitin sa pagpabor sa mga kandidato. Ang ilan sa kanila ay nagiging aktibong kasapi ng mga campaign rally, pagkolekta ng donasyon, at minsan ay mismong nagpapakita ng paboritismo sa kanilang opisina.
Pero, kung ang pasya ng kinauukulan ay payagan silang makilahok nang may kaakibat na alituntunin, nawa’y sumunod ang lahat upang mapanatili ang integridad ng ating halalan.