by Info @Editorial | Jan. 27, 2025
Halos sunud-sunod at tumitindi ang mga insidente ng karahasan sa mga menor-de-edad.
Ang mga batang ito, na dapat sana’y nag-aaral at nagkakaroon ng mas maliwanag na kinabukasan ay nasasangkot sa karahasan at kriminalidad.
Ang resulta, may mga buhay na nasisira, pamilyang nagdadalamhati at isang lipunang magulo.
Isang malaking bahagi ng problema ay ang kawalan ng sapat na suporta at oportunidad para sa mga kabataan sa komunidad. Madalas, ang mga batang ito ay lumalaki sa lugar o sitwasyon na limitado ang pagkakataon para sa isang mas magandang buhay.
Sa ganitong kalagayan, madaling mangyari na mapadpad sila sa mga grupo ng kabataang sangkot sa gang wars.
Ang mga gang na kadalasang may matinding impluwensya sa mga komunidad ay nagbibigay ng pakiramdam ng pagkakakilanlan, kapangyarihan at pansamantalang solusyon sa mga suliranin.
Ang edukasyon at mga programang pang-komunidad na nagbibigay ng alternatibo sa gang culture ay may malaking bahagi sa pag-iwas sa ganitong karahasan.
Dapat na magkaroon ng mas matinding aksyon laban sa mga karahasan at kasabay nito ang pagpapalakas sa mga programa para sa rehabilitasyon ng mga batang biktima ng ganitong sitwasyon.
Ang paglutas sa problema ng karahasan sa mga menor-de-edad ay hindi madali, ngunit ang pagbabago ay magsisimula sa pagpapahalaga sa buhay ng ating mga anak.
Ang bawat hakbang tungo sa isang mas ligtas na komunidad ay isang hakbang patungo sa isang matagumpay na hinaharap para sa mga kabataan ng ating bayan.