ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 31, 2020
Hindi nagalusan sa semifinals si Pinoy Grandmaster Wesley So matapos nitong daigin si Russian GM Alexander Grischuk, 1.5 - 0.5, sa labanan sa board 1 sa semifinals ng pinakaunang FIDE Online Chess Olympiad.
Maigting na draw ang naging resulta ng unang salpukang So-Grischuk pero sa pangalawang paghaharap ay hindi na pinaporma ni So, 26-taong-gulang at kasalukuyang World Fischer Random Chess champion, ang tatlong beses na world blitz champion mula sa Russia.
Sa kabila nito, nabigong umusad sa finals ang tropang USA ng tubong Cavite na si So kontra sa Russia. Sa unang match, nakasingit ang huli, 3.5-2.5, bago nakatabla sa pangalawang match, 3.0-3.0. Pero sapat na ang resultang ito para mairehistro ang India - Russia na championship duel.
Winasak ng India ang Poland, 4.0-2.0, sa kabilang hati ng duelong semis. Bago ang pagyuko sa Russia, ibinasura ng USA ang Ukraine sa quarterfinals, 2.0-0.0. Sa naturang serye, dalawang Ukrainian GMs (dating world rapid chess ruler Vassily Ivanchuk ay Anton Korobov) ang pinisak ni So sa board 1.
Ang world chess power na China, kampeon sa huling standard Chess Olympiad sa Batumi ay laglag na sa kompetisyon. Ang Philippine Team o Agila naman ay nagsimulang kumamada ng mga panalo sa Division 2 ng torneo pero hindi nakapasok sa top 3 ng Pool A kaya naging miron na lang. Pero naging best performer naman ng Pool sa board 1 si GM Mark Paragua.
Sa kabilang dako, umangat naman galing sa Division 3 patungong Division 2 ang tropang International Physically Disabled Chess Association o IPCA ni Pinoy FIDE Master Sander Severino pero hindi napabilang sa unang tatlo finishers sa Pool nila kaya nagwakas na rin ang kanilang paglalakbay.