ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 25, 2022
Nagmarka na naman si Roberto Gomez sa tumbukan sa labas ng bansa nang pumangalawa ang "Pinoy Superman" sa US Pro Billiards Series: Ohio Open sa Roberts Centre ng Wilmington, Ohio. Umangkla si Gomez sa anim na magkakasunod na tagumpay sa malupit na sarguhan kaya nakasampa sa finals bago ito kinapos sa hamon ng nagkampeon si Fedor Gorst ng Russia, 2-0. Sinagasaan niya sa paligsahan sina Dmitri Jungo ng Switzerland (2-0), Amerikanong si Tony Robles (2-0), Riku Romppanen mula sa Finland (2-1, Winners' Classification), Konrad Juszczyszyn ng Poland (2-0, round-of-16), Dutch Jan Van Lie Rop (2-0, quarterfinals) at Eklent Kaci ng Albania noong semifinals sa iskor na 2-1.
Sa isang produktibong 2022, ilang beses nang nakasampa sa podium ng iba't-ibang mga paligsahan si 44-taong-gulang na pambato ng Zamboanga City. Nakaakyat na siya sa trono ng High Stakes One Pocket Championships sa Dayton, Ohio; nagkampeon na rin siya sa Texas Open One Pocket na ginanap sa Skinny Bob's Billiards (Round Clock, Texas).
Sariwa rin si 2007 World 9-Ball Billiards Championships runner-up Gomez sa isang panalo laban kay Corey Deuel ng USA sa Champions One Pocket Challenge.
Samantala, sasargo rin si Gomez kasama nina Carlo Biado, Johann Chua, Lee Van Corteza, Jeffrey De Luna at Roland Garcia sa US International Open 9-Ball sa Sheraton Norfolk Waterside Hotel sa Virginia simula Oktubre 28.
Mayroong 122 iba pang manunumbok bukod sa anim na Pinoy ang umaasinta rin ng titulo sa malaking event na nabanggit. Nakatakda ring makipagtagisan ng husay sina Biado, Corteza, Garcia at Gomez sa One Pocket event kung saan si Gomez ang nagtatanggol na kampeon.