ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | December 21, 2022
Muling humataw si Pinay golf protege Rianne Mikhaella Malixi ng isang impresibong resulta matapos nitong yakapin ang pangalawang puwesto sa 118th Malaysian Amateur Open sa Senai, Johor, Malaysia.
Umiskor ang 15-taong-gulang na si Malixi ng 5-under-par 283 strokes sa fairways ng Palm Resort Golf & Country Club. Ito ay galing sa apat na araw na kartadang 73-68-71-71 at nakatulong sa isang 2-5 na pagtatapos para sa Pilipinas dahil pumanglima rin sa paligsahan ang kababayang si Lotis Kaye Go (285/ 73-72-73-71).
Si South Korean Hyosong Lee (11-under-par 277) ang hinirang na reyna habang kay Singaporean Aloysa Atienza (2-under-par 286) naman napunta ang pangatlong puwesto. Tanging ang trio nina Lee, Malixi at Atienza lang ang mga kalahok na nakapagsumite ng under par na iskor.
Dahil sa runner-up performance, nagpapatuloy ang pagpapakita ni Malixi ng mabangis na potensiyal para sa bansa. Matatandaang noong isang buwan ay naisalba ng dalagita ang huling upuan sa podium ng Women's Amateur Asia Pacific Championships (Pattaya, Thailand).
Ipinatong din sa ulo ng dalagita mula sa Quezon City ang korona ng Singha Thailand World Junior Championships sa (Hua Hin, Thailand). Bukod pa rito ay napagwagian din niya ang runner-up honors sa 88th Singha Thailand Amateur Open sa fairways ng Panya Indra Golf Club sa Bangkok.