ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 11, 2023
Winakasan ni Clarisse Guce ang kalahating taon ng tagtuyot sa tulong ng isang podium finish sa Epson Tour: Casino Del Sol Golf Classic na ginanap sa Tuczon, Arizona kamakailan.
Naging susi sa pag-angkin ni Guce ng pangatlong puwesto ang nagliliyab na bogeyless 66 sa huling yugto para mairekord ang kabuuang 12-under-par 276. Bukod sa lumobong 73 sa pambungad na round, matalim na tinambalan ng Pinay ng 68 at 69 ang kanyang kartada para maibulsa ang pabuyang $12,286.
Kinapos lang ng dalawang palo ang naging kabuuang iskor ng anak ng dating tanyag na hinete sa bansa dahil sa markang 14-under-par 274 na naiposte ng nagkampeong si Gigi Stoll ($30,000). Samantala, si Natasha Andrea Oon ($18,996) ay may isinukong 13-under-par 275 kaya nakuha ang pangalawang puwesto habang nakapantay ni Guce sa huling upuan ng podium si Lindsey McCurdy.
Matatandaang noong Setyembre 2022 ay nasungkit niya ang panglimang baytang ng Murphy USA El Dorado Shootout (Arkansas) gayundin ang runner-up honors sa Guardian Championships (Robert Trent Jones Golf Trail, Pratville, Alabama). Hunyo naman nang tumersera ang 32-anyos na lady parbuster sa Island Resort Championship sa Sweet Grass Golf Club, Harris, Michigan.
Sa Epson Tour Moneylist, sumampa sa pang-15 na posisyon si Guce. Sa kasalukuyan ay tanging siya lang ang Pinay na nakapasok sa top 20.