ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | September 17, 2020
Muling sasabak sa hanay ng mga “pro parbusters” si Southeast Asian Games double gold medalist Bianca Pagdanganan ng Pilipinas sa dikdikang Ladies Professional Golf Association (LPGA) Cambia Portland Classic na hahataw sa loob ng apat na araw sa palaruan ng Columbian Edgewater Country Club sa Portland, Oregon simula ngayong Huwebes.
Nakahablot ng upuan sa kompetisyong may nakalaang na USD 1,750,000 para sa mga magpo-podium ang 22-taong-gulang na Pinay dahil sa pagpasok nito sa top-45 ng LPGA Qualifiers noong nakaraang taon.
Tatlong torneo na ang naging bahagi ng sumisibol na professional career ni Pagdanganan at sa ngayon ay hindi pa naoobligang lumingon sa tikas niya ang mga miron. Sa LPGA Drive-on Championships, tumapos lang siya sa pang-28 na puwesto samantalang sa Marathon LPGA Classic Presented by Dana, nasa pang 59 na baitang naman ang dalaga. Malayong pang-71 ang naging puwesto ng Pinay sa Walmart NW Arkansas Championships Presented By P&G.
Sa kabila nito, isang magandang aspeto ng laro ni Pagdanganan sa tatlong torneo ay hindi pa siya napapauwi sa kalagitnaan ng bakbakan dahil sa mapaklang iskor. Sa tatlong mga paligsahang nabanggit, nakatawid siya sa weekend play.
Isa pang pag-asa na nakikita ay ang potensiyal niyang makipagsabayan sa mga beterana ng tour nang minsan siyang humataw ng bihirang back-to-back eagle at minsan na rin siya nakapuwesto sa top 10 habang tumatakbo ang torneo bagamat kinapos siya sa dulo. Sa kabila nito, nakakulekta na ang Pinay ng USD 10,987 pabuya mula sa tatlong paligsahang nabanggit.
Kaya sa pagpalo ng Pinay sa 6,478 yardang greens sa Oregon, maraming golf apisyunado sa Pilipinas ang umaasang tataas na ang antas ng kanyang palo sa isa sa pinakamalupit na professional tour sa buong daigdig.