ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 10, 2023
Hindi kumurap si Pinoy cue star Zorren James Aranas sa harap ng mabagsik na pagsargo sa quarterfinals ng kasalukuyang hari ng World 9-Ball Championships na si Francisco Sanchez Ruiz, 10-9, upang mapanatiling buhay ang pangkampeonatong paglalakbay sa Peri Open 9-Ball sa Hanoi City, Vietnam noong Linggo.
Naging tulay ni Aranas ang panalo para makapasok sa semis kung saan makakasama niya rin ang mga kababayang sina Anthony Raga at Michael Feliciano. Ang Rusong si Fedor Gorst ang nagbabantang sumira sa planong All-Pinoy finals.
Maagang napag-iwanan si "Dodong Diamond" Aranas, 3-6, pero nangibabaw ang dugong mandirigma ng World Cup of Pool titlist mula sa Pilipinas kaya bumalikwas ito at naitakas ang tagumpay mula sa Kastilang itinuturing ding pangalawa sa pinakamalupit na bilyarista sa buong mundo ayon sa World Pool-Billiards Association (WPA). Nauna rito, pinag-empake niya sina Truong An Bul (Vietnam, 10-7), Moritz Neuhaussen (Germany, 10-0) at Jose Alberto Delgado (Spain, 9-2).
Mula sa 8-8 na iskor, bumuga naman ng apoy si "The Dragon" Raga upang maitakas ang isang 10-8 na panalo sa round-of-8 kontra kay Dutch Niels Feijen at makapag-ambag sa nagaganap na dominasyon ng mga kinatawan ng bansa.
Tiyak nang may uusad sa finals na kinatawan ang Pilipinas dahil isang All-Pinoy match-up ang masasaksihan sa unang hati ng semi-finals matapos makuha ni Michael Feliciano ang karapatang makaharap si Aranas sa round-of-4. Ginamit na tuntungan ni "X44" Feliciano sa patuloy na pagsargo sa knockout round ng torneo ang mga tagumpay laban kina Kuo Po Cheng (Taiwan, 10-6), kababayang si Jefrey Roda (10-9), US Open podium finisher Sanjin Pehlivanovic (Bosnia, 10-4) at Ngo Quang Trung (Vietnam, 9-3).