ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 23, 2020
Pinangunahan ni International Master Paulo Bersamina ang listahan ng mga chessers mula sa Pilipinas na kuminang matapos itong tanghaling best performer sa Men’s Division - board 3 sa pagsasara ng qualifying rounds ng pinakaunang Asian Nations Online Chess Championships.
Anim na panalo, dalawang tabla at isang talo ang nakadikit sa rekord ni Bersamina para sa kabuuang pitong puntos mula sa siyam na salang sa board. Kabilang sa mga tumiklop sa Pinoy sina Iranian GM Ehsan Maghami Ghaem (Rating: 2566), Khazak GM Murtas Khazgaleyev (Rating: 2496), IM Asyl Abdyjapar (Rating: 2390; Kyrgyztan), IM Eiti Bashir (Rating: 2306, Syria), Khaleel Sharaf (Rating: 1861, Palestine) at Tupfah Khumnorkaew (Rating: 1895, Thailand).
Bukod dito, napuwersa rin ni Bersamina, may rating lang na 2286, sa hatian ng puntos ang mga manlalarong may mas mataas na titulo at rating na sina Mongolian GM Tsegmed Batchuluun (Rating: 2445) at Indian GM.S.P. Sethuraman (Rating:2588). Tanging si Aussie GM Temur Kuybokarov ang nakapagpatikim sa kanya ng pagkatalo. Bumuntot kay Bersamina sa Board 3 podium sina Iranian GM Amin Tabatabaei (rating: 2381) at si GM Max Illingworth ng Australia (Rating: 2498).
Samantala, pilak ang naging bahagi ni Pinoy GM Rogelio Barcenilla sa bakbakang Board 2 na pinangunahan ni Indonesian GM Susanto Megaranto. Kay Iranian GM Parham Maghsoodloo napunta ang pangatlong puwesto. Sa board 2 na labanan sa kababaihan, nasikwat ni Woman International Master Jan Jodilyn Fronda ng Pilipinas ang tanso nang tumapos ito sa likuran nina IM Warda Medina Aulia (Indonesia) at WIM Mobina Alinasab (Iran).
Sa team event, parehong nakapasok sa quarterfinals ang men's at women's team ng Pilipinas. Makakaharap ng mga Pinoy ang Khazakstan habang sasagupa naman ang mga Pinay sa hamon ng Sri Lanka.