ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 5, 2020
Itinanghal na kampeon ang unang team ng Russia matapos daigin ang Poland sa championship face-off sa pagsasara ang pinakaunang FIDE Online Chess Olympiad For People With Disabilities.
Nasikwat ng Ukraine ang tanso dahil sa pagdurog nito sa pangalawang koponan ng Poland sa kanilang sariling engkwentro para sa pangatlong posisyon. Dahil dito, nauwi sa isang 1-3 finish ng mga disipulo ng ahedres mula sa Poland.
Samantala, tinapos ng Pilipinas, sa pamumuno ni Team Captain James Infiesto at top board player at ni International Physically Disabled Chess Association (IPCA) world champion Sander Severino, ang torneo bilang bahagi ng unang limang bansa sa larangang ito ng ahedres.
Noong preliminaries, kung saan hangad ng mga kalahok na makapasok sa top 4 para sa semifinals, nakasosyo ng bansa para sa pang-apat hanggang pang-siyam na puwesto ang Poland 2, Poland 3, Germany, Russia 2 at Croatia dahil sa naipong tig-sasampung puntos. Matapos pairalin ang panuntunan sa tiebreak, pumanglima ang Pilipinas.
Kasama sa mga dinaig ng tropa ni FIDE Master Severino, na binubuo rin nina AGM Henry Lopez, untitled Darry Bernardo, Jasper Rom at Cheyzer Crystal Mendoza, ang Estados Unidos (4-0), Russia 2 (3-1), Ukraine (3-1) at topseed Poland (3-1). Nakatabla ng Pilipinas (2-2) ang mga chessers mula sa Canada at Israel.