ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 24, 2020
Tinapos ni April Joy Claros ng Pilipinas ang kanyang makulay na paglalakbay sa pandaigdigang palaruan ng ahedres nang makasosyo ng dalaginding sa panglimang puwesto ang tatlong iba pang kalahok sa Girls Under 14 ng pinakaunang FIDE Online World Youth and Cadet Championships.
Nakapasok sa podium sina Eline Roebers (1st, Netherlands), Woman FIDE Master Zsoka Gaal (2nd, Hungary) at Laysa Latifah (3rd, Indonesia) samantalang pumang-apat si Woman International Master Rocehlle Wu (USA).
Inilagay lang ng mga eksperto si Claros sa pangalawa sa kulelat sa mga may tsansang magwagi. Bilang 12th seed sa grupo ng 14 na mga kalahok, si Claros ay hindi inaasahang makakalusot sa unang sulungan ng knockout rounds. Tila hindi mapapahiya ang mga nagduda sa kakayanan niya dahil nang makaharap ni Claros ang paboritong si Woman Candidate Master Martyna Starosta ng Poland, tumiklop ang pambato ng bansa.
Isang draw na lang ang layo ni Starosta sa quarterfinals pero hindi ito nasaksihan dahil si Claros naman ang nagwagi sa pangalawang laro nila sa nabanggit na duwelo. Dahil dito, ginanap ang bakbakang Armagedon nina Starosta (Rating: 2094) at Claros (Rating: 1459) kung saan nagwagi ang huli kontra sa 3rd seed na Polish bet.
Si Claros ay bumangga sa husay ng Indonesian na si Latifah sa quarterfinals, 0-2, kaya hindi na ito nakapasok sa semifinals. Kasama sa panglima hanggang pangwalong puwesto ng batang Pinay si WCM Ruiyang Yan (USA), Macheld Foreest (Netherlands) at Shri Savitha (India).
Ang bituin mula sa Central Luzon ang pinakamakinang mula sa Philippine contingent. Pumangalawa siya sa Asian qualifiers na pinangunahan din ni Latifah. Si Michael Concio, sumabak sa Open Under 16 bilang top bet ng Asya, ay hindi nakaporma sa unang salpukan pa lang. Isa pang kinatawan ng bansa ay si Whisley King Puso sa Open Under 12 matapos mangibabaw sa Asian eliminations pero pinaratangan ng hindi patas na paglalaro kaya hindi pinasali sa world finals. Hindi nagpakita ng ebidensya ng pandaraya ang FIDE at nasa tuntunin din ng naturang qualifying tournament na hindi kinikilala ang anumang apila sa desisyon. Sinabi rin ng National Chess Federation of the Philippines na sumunod ang pambato ng bansa sa lahat ng tuntunin at wala namang pag-almang ginawa ang FIDE habang ginaganap ang paligsahan.