ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 30, 2020
Ganitong panahon noong 2019 ay nasa alapaap pa rin ang Team Pilipinas dahil sa makasaysayang dominasyon sa Southeast Asian Games na idinaos sa bansa. Kuminang ang mga atleta ng bansa pero meron ding mga nangulimlim.
Dalawang larangan sa golf at billiards nagwagayway ang bandila nitong 2020 sa gitna ng pandemya. Ahedres ang isang arena kung saan hindi tayo nagmarka.
Sa golf, isang sweep sa women’s bracket ang naiposte ng Pilipinas dahil sa nakuhang individual gold at team gold nina Bianca Pagdanganan, Lotis Kaye Go at Abigail Arevalo. Apat na ginto ang naiuwi ng cue artists natin matapos manguna ang mga ito sa 9-ball women (singles at doubles), 10-ball women (singles), 10-ball men (singles). Nagtulong-tulong para rito sina Rubilen Amit, Chezka Centeno at Dennis Orcullo.
Sa Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA), dalawang torneo ang napagwagian ng Fil-Japanese na si Yuka Saso kahit na rookie pa siya sa professional tour. Dalawang top ten finish naman ang naiposte ni Pagdanganan sa mas malupit na Ladies Professional Golf Association (LPGA) tour sa U.S. Nahablot niya ang 9th place sa isang major event ng tour habang 3rd ang 23-anyos na parbuster sa isang torneo. Walang mga nakapanood halos sa kinang na ito nina Saso at Pagdanganan dahil sa COVID-19 protocols.
Nanguna rin si Dottie Ardina sa Australian Golf Club Series noong hindi pa uso ang lockdown.
Sa larangan ng billiards, 13 titulo ang napasakamay nina Orcullo, Roberto "Superman" Gomez, Francisco "Djanggo" Bustamante, Zorren James "Dodong Diamond" Aranas, Lee Van Corteza, Jeffrey De Luna at Carlo "The Black Tiger" Biado. Lahat ng mga ito ay paligsahang ginanap onsite sa USA samantalang ang kay Biado ay isang kakaibang online 10-ball tourney na nilahukan din ng mga bigatin.
Sa chess, world champion si FIDE Master Sander Severino nang sumabak Ito sa International Physically Disabled Chess Association (IPCA) World Online Chess Rapid Championships. Sa FIDE Online Youth and Cadet Chess, nanguna sina Michael Concio at King Whisley Puso habang sorpresang segundo si April Joy Claros nung Asian qualifiers sa kani-kanyang grupo. Nasabak sa kontrobersya si Puso kaya hindi nakalaro sa finals pero pumanglima si Claros sa world stage.