ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 27, 2021
Inaasahang mananatiling walang mantsa ang magiging kartada ng rumaratsadang Caloocan Loadmanna Knights pagkatapos nilang humarap sa mga gumagapang na koponan sa pang-apat na araw ng kompetisyon sa Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) First Conference.
Isasangkalang ng taga-Caloocan ang marka nitong 5-0 laban sa Pasig City King Pirates na kasalukuyang nangungulelat sa Northern Conference dahil sa nag-iisang panalong naitakbo kontra sa apat na talo sa pinakaunang professional chess league sa Southeast Asia. Plano namang pangunahan ni International Master Eric Labog Jr. ang kanyang tropa upang makaahon sa pagiging cellar-dweller.
Pagkatapos ng Pasig, haharapin naman ng Loadmanna Knights, na pinagungunahan nina IM Jan Emmanuel Garcia at IM Paulo Bersamina, ang Olongapo Rainbow Team 7 na mayroon pa lang dalawang panalo mula sa limang matches.
Ang huling dalawang panalo ng Caloocan ay naiposte noong Sabado nang matakasan nito ang San Juan Predators, 11.5-9.5; at ang Cavite Spartans, 12.0-9.0 kaya sa ngayon ay ito na lang ang tanging koponan na walang dungis ang rekord.
Sa Southern Conference, maghihiwalay ng landas ang Iloilo Kisela Knights at Negros Kingsmen kapag nagharap ang dalawang wala pa ring talong tropa pagkatapos ng limang laro.
Mas maganda ang tsansa ng Camarines Soaring Eagles na magpatuloy ang paglipad bitbit ang trangko at ang malinis na kartada dahil sa pagharap nila sa Toledo City Trojans (3-2) at Cebu City Machers (0-5). Kung magtatagumpay sa dalawang laban, magkakaroon ng malinis na marka ang Camarines (7-0) na pinangungunahan ni Grandmaster Mark Paragua,
Matatandaang nakatikim ng kahihiyan mula sa Soaring Eagles ng Camarines ang Mindoro Tamaraws (2.5-18.5), Palawan Queen’s Gambit (7.0-14.0), Cordova Dutchess Dagami Warriors (5.0-16.0) at Iriga City Oragons (0.5-20.5).