ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 11, 2021
Unti-unti nang sumisibol ang mga maaaring humalili sa mga pangalang Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Dennis “Robocop” Orcullo, Ronnie “The Volcano” Alcano, Carlo “The Black Tiger” Biado, Lee Van Corteza, Johann “Bad Koi” Chua, Jose “Amang” Parica at Zorren James “Dodong Diamond” Aranas.
Kamakailan ay nagpakilala si Aivhan Maluto matapos itong pumangalawa sa malupit na Poison VG10 2.0 Virtual 10-Ball Tournament.
At sa hinaharap, isang nang posibilidad na maaari nang ihanay ang pangalan ni Bernie “Benok” Regalario sa mga nabanggit na personalidad. Humahaba na ang listahan ng mga palatandaang ang 16-taong-gulang na manunumbok mula sa Paranaque ay magiging mahalagang bahagi ng Philippine billiards.
Noong 2018, naging semifinalist siya ng J&P 10-Ball Cup pero rumesbak ito nang sumunod na taon upang maging kampeon. Naging produktibo ang taong 2019 para sa binatilyo dahil maliban sa korona sa sagupaang J&P, nakatangay siya ng pilak na medalya sa Batang Pinoy at nakaakyat rin sa mga trono ng larangang 9-Ball at 10-Ball sa Wilde Blue Junior Challenge. Kasama rin sa kanyang makulay na rekord noong nabanggit na taon ang pagiging hari sa 2019 Battle of Champions.
Taong 2020 nang sumargo siya kontra sa mga dating world champions mula sa Pilipinas. Sa duwelo kontra kay Biado, naging hari sa 9-ball sa buong mundo ganun din sa World Games noong 2017, nanalo si Regalario sa isang handicap match. Nang makabanggaan naman niya ang alamat na si “Bata”, isang double world champion (8-Ball at 9-Ball) mula sa Pampanga, umabot sa isang hill-hill ang salpukan bago nangibabaw ang binatilyo.
At kamakailan, sa isang open tournament na binansagang 2021 GAB 10-Ball Open Tournament, umabot siya sa semifinals matapos silatin ang ilan sa mga bituin ng bansa tulad nina Corteza at Chua. Sa final 4, pinag-empake na siya ni Biado.