ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 22, 2021
Nakakaramdam ng kaba o di kaya ay pag-aalinlangan ang mga bigating manunumbok saan mang bahagi ng daigdig kapag nalaman nilang lahing kayumanggi ang makakaharap nila sa mesa.
Ito ay dahil sa bagsik ng kamandag na nagmarka mula sa husay ng mga pangalang Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Dennis “Robocop” Orcullo, Ronnie “The Volcano” Alcano, Carlo “The Black Tiger” Biado, Lee Van Corteza, Johann “Bad Koi” Chua, Jose “Amang” Parica at Zorren James “Dodong Diamond” Aranas.
Sa hinaharap, ang listahang ito ng mga lodi ay puwedeng singitan ng pangalan ng binatilyong si Earl Vincent Trinidad. Ang 16-taong-gulang na tagahanga ni “Bad Koi” Chua ay unti-unti nang kinakikitaan ng potensiyal bilang mukha ng billiards sa Pilipinas.
Taong 2012 nang hirangin itong kampeon ng MAPPA Christmas Bonanza 9-Ball Tournament, Yoyo Billiards Club at ng East Pool Tutor 10-Ball Tourstop. Nasikwat din niya ang huling upuan sa podium ng MAPPA 10-Ball Tour sa kaparehong taon.
Ang ipinagmamalaking manunumbok ng Las Pinas ay nangibabaw rin sa 2018 Bilyarista.com Team Battles at naging semifinalist, 2018 South Golden Break Association 10-Ball Tournament at 2018 Bilyarista.com 10-Ball Tournament.
At noong 2019, nag-init nang husto ang kanyang pulso sa panahon ng tag-araw at hinirang siyang numero uno sa Bilyaristang.com 8-Ball Tournament (Marso), Bilyaristang.com 9-Ball Tournament (Abril) at J&P 9-Ball Cup (Mayo).
Isa lang ang cue artist na si Vickoy sa maaring sandalan ng bansa sa kinabukasan. Kamakailan ay nagpakilala si Aivhan Maluto matapos itong pumangalawa sa malupit na Poison VG10 2.0 Virtual 10-Ball Tournament. Nariyan na rin ang pangalan ni Bernie “Benok” Regalario - isa pang 16-anyos na manunumbok mula sa Paranaque na inaasahang magiging mahalagang bahagi ng Philippine billiards.
Taong 2020 nang sumargo siya kontra sa mga dating world champions mula sa Pilipinas. Sa duwelo kontra kay Biado, naging hari sa 9-ball sa buong mundo ganundin sa World Games noong 2017, nanalo si Regalario sa isang handicap match. Nang makabanggaan niya ang alamat na si “Bata”, isang double world champion (8-Ball at 9-Ball) mula sa Pampanga, umabot sa isang hill-hill ang salpukan bago nangibabaw ang binatilyo.
At kamakailan, sa isang open tournament na binansagang 2021 GAB 10-Ball Open Tournament, umabot siya sa semifinals matapos silatin ang ilan sa mga bituin ng bansa tulad nina Corteza at Chua. Sa final 4, pinag-empake na siya ni Biado.