ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 2, 2021
Papalo na si Fil-Japanese Yuka Saso sa 2021 season ng Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) upang ipagpatuloy ang kanyang impresibong paglalakbay sa malupit na mundo ng mga lady parbusters sa bahaging ito ng Asya.
Sasabak si Saso, may-ari ng dalawang gintong medalya sa huling Asian Games at siya ring top money earner ng JLPGA 2020, sa Daikin Orchid Ladies Golf Tournament simula Marso 4 hanggang 7 sa 6,561 yards ng Ryukyu Golf Course sa Okinawa. Halagang JPY 120,000,000 ang naghihintay sa mga pupuwesto sa bakbakang nakalatag sa par-72 na palaruan. Kabilang na rito ang gantimpalang JPY 21,600,000 para sa hihiranging reyna ng tunggalian.
Si Saso ay kumikinang sa JLPGA kung saan pumapangalawa siya sa Player of the Year derby. Pinagsama ng mga tagapangasiwa ng JLPGA ang 2020 at 2021 seasons. Ito ang naging tuntungan ng dating Youth Olympic Games silver medalist para umakyat sa pang 45 sa world rankings at pang 21 naman para sa mga gustong makapaglaro sa Tokyo Olympics na ilang buwan na lang at inaasahang matutuloy na. Halos swak na siya sa Olympics dahil top 60 lang ang papayagang pumalo sa Tokyo.
Matatandaang nagkampeon si Saso sa NEC Karuizawa 72 Golf Tournament at sa Nitori Ladies Golf Tournament. Pumangalawa rin ang dalagita sa JLPGA major na Totò Japan Classic at pumangatlo sa Daiao Paper Elleair Ladies Open. Bukod sa mga podium finishes na ito sa kanyang rookie year pumasok din siya sa unang sampung manlalaro ng Earth Mondahmin Cup (5th), JLPGA Tour Championship Ricoh Cup (6th), Descente Tokai Ladies Classic (8th) at Fujitsu Ladies Golf Tournament (10th).
Bukod pa sa mga nabanggit na laro, nag-top 10 din ang 19-anyos na pambato ng Pilipinas sa huling golfing major sa 2020 Ladies Professional Golf Association event sa USA.