ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 28, 2021
Muli na namang naramdaman ang husay sa pagtumbok ni Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ng Pilipinas nang makuha nito ang runner-up honors sa labanang 10-Ball sa Midwest Open Billiards Championships sa palaruan ng Michael’s Billiards sa Fairfield, Ohio.
Kamakailan lang ay pumangalawa rin ang Pinoy sa larangan naman ng 9-Ball Banks ng naturang billiards festival. Segunda rin siya dati sa malupit na Diamond Las Vegas Open.
Nagmarka rin ang mga kababayang sina Dennis “Robocop” Orcullo (2nd), Roberto “Superman” Gomez (4th) at Jeffrey “The Bull” De Luna (10th) na pare-parehong swak sa top 10 sa panglalahatang bakbakan ng billiardsfest.
Sa pagalingan sa 10-Ball, tumuhog si Aranas ng siyam na magkakasunod na panalo tungo sa walang sagabal na pagpasok sa championship face-off bilang kinatawan ng winner’s bracket.
Una niyang tinumbok si Robert Frost (9-4); isinunod naman si Frankie Ruiz (9-4); nagturo ng leksyon kay Clay Davis (9-4) bago inangasan si Shayne Morrow (9-5). Napasabak naman nang husto ang Pinoy kay Houston Rodriguez (9-8) pero kalmante lang naman nang makasagupa si Venezuelan ace Jesus Atencio (9-6). Sa bakbakan para sa hotseat, matibay pa rin ang pulso ni Aranas kaya na para OB nito si Fedor Gorst ng Russia sa iskor na 9-6. Dahil sa selyado na ang upuan sa finals, naobligang magpalamig si “Dodong Diamond” habang naghihintay ng makakalaban mula sa “one loss” bracket.
Samantala, kasama sa mga nagsabong para makuha ang natitirang upuan sa championship duel ay sina Orcullo, Atencio at Gorst. Tinalo ni “Robocop” ang Venezuelan, 7-5, pero halos hindi siya pinaporma ng Ruso, 3-7, kaya si Gorst ang pumasok sa finals. Sa winner take all match para sa trono, tiklop si Aranas, 3-9, nagkasya ito sa pangalawang puwesto.