ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 19, 2021
Ginulat ng trio nina Michael Jackson Ambuang, Joseph Lawrence Rivera at Jerico Santiaguel ang mga miron ng paspasang ahedres matapos nilang masingitan ang mga paborito sa podium Philippine Sports Commission - National Chess Federation of the Philippines Selection- Visayas Leg.
Pinatunayan naman ng 15-anyos na si Franchesca Largo na karapat-dapat sa kanya ang taguring "topseed" nang irekord niya ang 7.5 puntos para daigin ang 30 iba pang karibal para sa korona sa kababaihan. Hindi naman inaasahan ang pagkuha nina Princes Louise Oncita at Daniela Bianca Cruz ng sumunod na dalawang puwesto dahil sa pagiging lower-ranked entries nila.
Sumandal si Ambuang, no. 14 lang sa pre-tournament seedings dahil rating na 1957, sa pitong panalo, isang tabla at mataas na tiebreak points upang kontrahin ang nag-iisang talo at makaakyat sa trono ng kompetisyong nilahukan ng 87 iba pang disipulo ng chess sa kabisayaan.
Hinugutan ng 33-taong-gulang na kampeon ng mga panalo sina John Jhorel Solidum (round 1), Joselito Asi (round 2), Zeus Alexis Paglinawan (round 3), Ritchie James Abeleda (round 4), Santiaguel (round 5), Juncin Estrella (round 8) at Gene Kenneth Estrellado (round 9) samantalang nakipaghatian siya ng puntos kontra kay Rivera (round 6) para isumite ang kabuuang 7.5 puntos
Ito rin ang naging produksyon ng binatilyong disipulo ng ahedres na si Rivera ngunit naobliga itong makuntento sa pangalawang puwesto dahil sa mas mababang produksyon pagdating sa tiebreak. Tinapos ni Rivera, 18-anyos at mayroon lang rating na 1950 at pang 17 sa rankings bago nagsimula ang bakbakan, ang torneo na walang talo (anim na panalo at tatlong draws).