ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 29, 2021
Tila hinihintay na ng Tokyo Olympics ang pagdating ng mga pamosong Pinay golfers na sina Yuka Saso at Bianca Pagdanganan matapos na mapanatili nila ang kani-kanyang puwesto sa listahan ng mga parbusters na kwalipikadong maglaro sa prestihiyosong pagtitipon dalawang buwan mahigit na lang ang natitira.
Base sa listahang ipinalabas ng International Golf Federation o IGF nitong Lunes, pasok ang dalawang Pinay parbusters sa talaan ng mga manlalarong puwedeng lumahok sa sports spectacle na karaniwan nang ginaganap tuwing apat na taon ngunit hindi natuloy noong 2020 dahil sa pandemya.
Sa Olympic Golf Ranking na nakabase sa Official World Golf Ranking, ang 19-anyos na si Saso ay matibay na nakakapit sa pang-22 na baytang samantalang ang 23-anyos na si Pagdanganan ay nakaupo sa pang-43 na posisyon.
Solido ang kanilang mga kinalalagyan base sa regulasyon ng organizers kung saan ang unang 60 lady golfers pagkatapos ng Hunyo 2021 ay kwalipikadong pumalo sa Olympiada. Kasama rin sa panuntunan na limitado sa apat na manlalaro ang puwedeng kumatawan sa isang bansa kung ang mga ito ay pulos nasa top 15. Kung nasa pang-16 hanggang 60, limitado lang sa dalawa kada bansa ang pinapayagang maglaro.
Kung mapapanatili o mahihigitan pa nina Saso at Pagdanganan ang kanilang posisyon, may karagdagang mga Olympians ang bansa na may seryosong tsansa sa pinakaaasam na medalya.
Si Saso ay sariwa sa isang top 10 wind-up sa isang torneo ng prestihiyosong Ladies Professional Golf Association (LPGA) Tour. Sa Lotte Championship na ginanap sa Kapolei Golf Course ng Hawaii, pumang-anim ang double gold medalist sa huling Asian Games. Si Pagdanganan ay may 2 ginto noong 2019 Manila SEA Games, ang siyang itinuturing na longest hitter ng LPGA.