ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 11, 2021
Pormal nang kinoronahan si International Master Daniel Quizon ng Pilipinas bilang hari ng FIDE World Cup 2021 Qualifying Tournament - Asian Zonals 3.3. matapos niyang isalba ang draw kontra kay Indonesian Grandmaster Susanto Megaranto sa huling round ng kompetisyon para sa kabuuang 7 puntos.
Hindi rin nagpabaya ang kababayang si IM Michael Concio Jr. (no. 16 sa ranking; rating: 2297) nang payukuin niya si 2nd ranked Grandmaster Novendra Priasmoro sa isang marathon na 106-sulungan para mahablot ang pangalawang puwesto sa paligsahang nilahukan ng mga pinakamalulupit na kinatawan ng Laos, Indonesia, Singapore, Malaysia, Thailand at Pilipinas. Mayroon siyang 6.5 puntos nang natapos ang laban kung saan angat siya ng isang bishop.
Magiging kinatawan ang dalawang binatilyo ng Asian Zone 3.3 sa pandaigdigang entabladong tinatawag na FIDE World Cup kung saan minsan nang naging semifinalist ang Super GM mula sa Cavite na si Wesley So.
Bagamat hawak ang dehadong itim na piyesa, nakuha ng 16-anyos na si Quizon (pang-13 sa pre-tournament rankings at may rating na 2319) ang kalahating puntos pagkatapos ng 30 sulong. Tinuldukan niya ang paligsahan na may 5 panalo at apat na draws pagkatapos ng 9 na rounds ng bakbakang ginaganap sa pamamagitan ng hybrid na format base sa tagubilin ng FIDE.
Nakatikim ng pagluhod kay Quizon sina untitled at 39th seed Jericho John Velarde (Philippines), 27th seed CM Laohawirapap (Thailand), 18th seed FM Pitra Andyka (Indonesia), 4th seed IM Theolifus Yoseph Taher (Indonesia) at 16th seed IM Michael Concio (Philippines). Samantala, nakipaghatian naman siya ng puntos kina 10th seed IM Mohamad Ervan (Indonesia), 6th ranked IM Sean Winshand Cuhendi (Indonesia) at si Megaranto.
Dahil sa pagwalis sa unang dalawang baitang, pinatid ng mga binatilyo ang tagtuyot na nararanasan ng Pilipinas pagdating sa paglahok ng isang Pinoy sa prestihiyosong FIDE World Cup. Pumangatlo sa tagisan ng husay si Megaranto.