ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 19, 2021
Hindi magiging madali ang pangalawang sunod na korona.
Ito ang isa sa mga mensaheng muling napatunayan ng first conference champion Laguna Heroes matapos silang masingitan ng Manila Indios Bravos sa pamamagitan ng makapigil-hiningang Armageddon sa pagsisimula ng import flavored Professional Chess Association of the Philippines - Wesley So Cup Conference noong Sabado ng gabi.
Nagwakas sa 10.5-10.5 na iskor ang mainit na sagupaan ng mga PCAP heavyweights kaya naobligang sumulong sa winner-take-all na yugto ang magkaribal kung saan nakaungos ang Manila, 2-1, sa kaganapang nagsisilbing tanging professional chess league sa bahaging ito ng daigdig.
Dagdag pa sa highlights ng paligsahang ipinangalan sa tubong Cavite at ngayon ay World FIDE Fischer Random Chess champion GM Wesley So ay ang 11.0-10.0 na panalo ng Cavite Spartans laban sa Pasig City King Pirates. Ang una ay walang isinalang na Grandmaster sa unang araw ng ligang sinusuportahan ng Games and Amusement Board.
Kabilang sa mga iba pang nanalo ay ang San Juan Predators (kontra sa Antipolo Cobras, 15.0-6.0); Caloocan Loadmanna Knights (laban sa Rizal Batch Towers, 12.5-8.5); Lapu-Lapu (bumangga sa Mindoro Tamaraws, 12.0-9.0); Cagayan Kings (pinatiklop ang Quezon City Simba’s Tribe, 12.0-9.0); Camarines Soaring Eagles (dinurog ang Zamboanga, 16.5-4.5);
Toledo (nagpagulong sa Cebu City Machers, 15.5-5.5); Cordova Duchess Dagami Warrios (vs. Surigao Fianchetto Checkmates, 17.0-4.0); Iloilo Kisela Knights (dumaig sa Palawan Queen’s Gambit, 18.0-3.0); Negros Kingsmen (nagturo ng leksyon sa Iriga City Oragons, 17.0-4.0); at Lapu-Lapu City Naki Warriors (humarap sa Mindoro Tamaraws, 17.0-4.0).