ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 28, 2021
Ipagpapatuloy nina Pinoy parbusters Angelo Que at Juvic Pagunsan ang kanilang umiinit na kampanya sa malupit na Japan Golf Tour sa pagpalo nila sa Gateway To The Open Mizuno Open sa palaruan ng JFE Setonaikai sa Kasaoka, Japan.
Sariwa sa kani-kanyang impresibong mga laro ang dalawang batikang manlalaro ng Pilipinas sa nakalipas na dalawang linggo ng kampanya sa prestihiyosong professional tour sa bahaging ito ng Asya.
Noong isang linggo, nagpakawala si Que ng isang bogeyless 8-under-par 62 sa kanyang pinakaeksplosibong round sa loob ng apat na araw upang masikwat ang pang-apat na posisyon nang magtapos ang Partner Pro-Am Tournament sa prestihiyosong Japan Golf Tour (JGT) sa Toride Kokusai Golf Club ng Tsukubamirai, Japan.
Nanatilin sa unang sampu si Que sa rounds 1 at 2 pero nasipa siya papunta sa pang-15 pagkatapos ng pangatlong round. Hindi sumuko sa huling 18 butas at sa halip ay umusok ang driver at putter ng beteranong Pinoy tungo sa pagkamada ng walang mantsang round sa kabila ng maigting na kompetisyon.
Ang kabuuang iskor ni Que ay 261 strokes mula sa 63-68-68-62 na marka. Ito ay umuusok na 19-under-par sa torneo at dalawang palo lang ang layo sa nagsalo-salo sa unang puwesto na 259 nina South African Shaun Norris, Tomoharu Otsuki ng Japan at Zimbabwe parbuster Scott Vincent. Si Norris ang hinirang na kampeon sa torneo sa pamamagitan ng tiebreak rules.
Kasosyo ni Que sa pang-apat hanggang pangsampung baytang sina South Korean ace Han Young Son at ang mga Japanese stalwarts na sina Shotaro Wada, Hirotaro Naito, Eric Sugimoto, Kazuki Higa at Ryo Ishikawa.
Tatlong beses nang nagkampeon sa Asian Golf Tour si Que. Hinirang siyang hari ng Carlsberg Masters Vietnam (2004), Philippine Open (2008) at Worldwide Holdings Masters Malaysia (2010). Pumangalawa rin kamakailan si Pagunsan, Asian Golf Tour one time winner at 2011 Order of Merit champion, sa JGT Asia Pacific Diamond Cup sa Kaganawa Japan.