top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | June 29, 2024



Sports News
Photo: Maldives Pool Billiard Association / FB


Magiting na humakbang ang pitong mga bilyarista ng Pilipinas sa round-of-32 ng umiigting nang tagisan ng husay sa 2024 Maldives 10-Ball Open sa Lungsod ng Male kahapon ng madaling araw (oras sa MNL).


Ang pulutong ng mga Pinoy na nakatayo pa at nananatiling may tsansa sa korona ay binubuo nina Michael Baoanan, Sean Mark Malayan, Jonas Magpantay, Jeffrey Ignacio, Bernie Regalario, World 10-Ball king Carlo Biado at si 2023 Maldives Open runner-up Johann Chua.


Itinaob nina "Dark Phoenix" Baoanan (Hui Chan Lu, 10-5), Malayan (Ahmed Shiwaz, 10-1), "Silent Killer" Magpantay (Abdulla Salem Alenezi, 10-5), "Cobra" Ignacio (Lin Ta-li, 10-6), "Li'l Prince" Regalario (Ping Han Ko, 10-7) at "Bad Koi" Chua (Kelvin Zarekani, 10-4) ang kani-kanyang mga karibal para maiposte ang kalmanteng mga panalo. 


Nasa Final 32 rin si "Black Tiger" Biado kahit hindi ito sumalang sa unang yugto ng knockout stage dahil sa pagiging isa sa mga seeded cue artists sa tunggaliang may basbas ng World Pool Billiards Association.


Pero tiyak na daraan na sa butas ng karayom pagkatapos nito dahil mas mabibigat ang kanilang susunod na magiging mga ka-engkwentro. Duwelong Baoanan-Wu Kun Lin, Pin Yi Ko-Malayan, Magpantay-Dennis Grabe, Ignacio-Ping Chung Ko, Regalario-Mario He at Biado-Chua ang naikasa. 


Buhay din at nasa eksena pa ang mga bituing sina Fedor Gorst (USA), Aloysius Yapp (Singapore), Miezko Fortunski (Poland), John Morra (Canada), Sanjin Pehlivanovic (Yugoslavia) at Alexander Kazakis (Greece).


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | April 17, 2024




Isang malupit na eagle at dalawang birdies sa homestretch ang sinakyan ni Lloyd Jefferson Go ng Pilipinas upang tuldukan ang isang coast-to-coast na tagumpay sa Hainan Baoting Open Golf Tournament sa China kamakailan.

 

Ang unang kampeonato ni Go sa labas ng bansa bilang propesyunal ay impresibong panundot ng Cebuano sa kanyang panalo sa loob ng Pilipinas may tatlong linggo pa lang ang nakararaan. Nagiging solido na rin ang taon ng Pinoy matapos itong pumasok sa 2023 Asian Development Tour top 10.

 

Kabuuang 22-under-par 266 strokes ang naiposte ng Pinoy parbuster pagkatapos ng 4 na rounds. Galing ito sa kartadang 67-65-65-69 na nagresulta naman sa mapanghiyang anim na palong bentahe kontra sa sumegundang si Yanhan Zhou (272) ng China at 7 strokes laban kay Taiwanese Yi-Tseng Huang (273).

 

Bukod sa Pilipinas, China at Taiwan, nag-ambisyon ding magmarka pero nabigo sa paligsahan ang mga golfers mula sa Germany, South Korea, Singapore at Canada.

 

Sa pagpasok sa huling araw ng kompetisyon, prente sa pagkakaupo sa unahan ng pulutong ang Pinoy. Pero inalat si Go sa malaking bahagi ng round 4 nang tumama sa kanya ang bogey (hole 6) at triple bogey (hole 10). Dahil dito ay nabawasan nang husto ang dating 8 strokes na agwat. Sa puntong ito, nakita ang kalibre ng tunay na kampeon at bumalikwas ang pambato ng Pilipinas nang umusok ito sa pang-14 (eagle), -16 (birdie) at -18 (birdie) na mga butas.

 

Pagkatapos ng apat na araw ng paghataw sa mga fairways ng Shangda International Golf Club,  ipinagkaloob kay Go ang halagang CNY 170,000 bilang kampeon habang CNY 110,000 at CNY 63,000 naman ang ibinulsa nina Zhou at Huang ayon sa pagkakasunod-sunod dahil sa kanilang pagpasok sa podium.

 

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | April 1, 2024




Napanalunan ni Pinay parbuster Rianne Mikhaella Malixi ang pangalawang puwesto sa katatapos na Junior Invitationals Tournament sa palaruan ng  Sage Golf Club sa Graniteville, South Carolina.


Isinalpak ni Malixi, 16-taong-gulang, ang kabuuang iskor na 3-under-par 213 strokes upang makuha ang runner-up honors sa likod ng 207 ni Asterisk Talley ng USA.


Mabagal ang naging simula ni Malixi sa tatlong araw na kaganapan dahil sa 73-71 na mga marka. Pero malaking tulong sa kampanya ng pangunahing lady parbuster ng Pilipinas ang hataw niya sa huling araw kung saan ikinalat nito ang birdies sa pang- 4, -6, -8 at -10 na mga butas upang makontra ang tanging bogey sa hole 7.


Tatlong palo sa likod ni Malixi ang trio nina Ella Galitsky (Thailand) , Jasmin Koo (USA) at Yana Wilson (USA) na nagsalu-salo sa huling upuan ng podium.


Nasa kasagsagan si Malixi ng kanyang paghahanda sa paglahok sa Augusta National Women's Amateur simula April 3  sa Augusta, Georgia. Malupit din ang kasalukuyang porma nito dahil nakaakyat na siya sa top 26 sa world amateur ranking matapos masadlak sa labas ng unang 50 amateur golfers. Malaki rin ang pag-asa nitong maging kinatawan ng bansa sa Paris Olympics base sa qualifying rules ng mga mangangasiwa ng golf sa prestihiyosong kompetisyon.


Sariwa rin siya sa mga impresibong resulta ngayong 2024. Matatandaang kamakailan lang ay pumanglima si Malixi sa Women Amateur Asia Pacific o WAAP (Pattaya, Thailand). Sumampa rin siya sa trono ng Australian Masters of the Amateurs at naging top 8 rin sa bakbakang tinaguriang Australian Amateurs. Nagrehistro rin si Malixi ng course record (63 strokes) sa WAAP. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page