ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 20, 2021
Nasaksihan sa pang-apat na pagkakataon ang pagpasok sa winners’ circle ng isang golfer mula sa Pilipinas sa matinding Japan Golf Tour ngayong taon nang pumang-sampu si Justin Delos Santos sa ¥15,000,000 Japan Create Challenge in Fukuoka Raizan.
Nauna rito, pumang-apat si Angelo Que sa Partner Pro-Am Tournament na ginanap sa Tsukubamirai. Nakasikwat din ng segunda puwesto si Juvic Pagunsan sa Asia Pacific Diamond Cup na nasaksihan sa Kaganawa. At kamakailan lang, itinanghal na hari ang huli sa Gateway To The Open - Mizuno Open na nairehistro sa palaruan ng Kasaoka. Ang tagumpay na ito ni Pagunsan ang nagbigay sa kanya ng tiket papunta sa prestihiyosong British Open pati na rin sa 2020 Tokyo Olympics. Ngunit dahil sa halos magkasabay na gaganapin ang dalawang paligsahan, maoobligang mamili ang Pinoy kung saan lang ito magpaparamdam. Napaulat na tila sa pagpalo sa nabinbing Olympiad ito nakakiling.
Ipinoste ni Delos Santos, 25-anyos, ang isang disenteng 12-under-par na iskor sa dulo ng tatlong rounds ng bakbakan upang maisalba ang pangsampung upuan kasosyo ang limang iba pang parbusters na kumatawan sa punong-abala. Galing ang Pinoy sa pang-38 na baitang pagkatapos ng pambungad na round pero nag-init kaya nakapasok sa top 10.
Sa lupit ng kompetisyon, ang kartada ni Delos Santos ay sampung palo ang layo sa nagkampeong si Ryo Hisatsune ng Japan at anim naman sa pumangalawang si Takahiro Hataji na kababayan din ng nagharing nag-uwi ng gantimpalang ¥2,700,000. Isang pang Japanese golfer, si Sho Nagasawa, ang nakakuha ng huling upuan sa podium. Si Australian Scott Strange ang bumasag ng dominasyon ng mga local aces nang pumang-apat siya kasama si Aguri Iwasaki.