ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 13, 2021
Nasaksihan ang matinding talas ng pag-iisip ng mga pambato ng ahedres mula sa Pilipinas nang mapagwagian nina FIDE Master Sander Severino at untitled Crystal Cheyzer Mendoza ang sagupaan sa kani-kanyang dibisyon sa pagwawakas ng 2021 Asian Disabled Online Chess Championship noong Linggo ng gabi (oras sa Manila).
Nakahagilap si Severino ng panalo sa huling round ng kompetisyon laban kay Vietnamese Quan Van Nguyen (6th ranked, rating: 1862) upang makaipon ng kabuuang apat na puntos (tatlong panalo at dalawang tabla). Pagkatapos nito ay tinuntungan ng Pinoy, may rating na 2373, ang mas mainam na tiebreak output para makaakyat sa trono sa kalalakihan.
Si Severino rin ang kasalukuyang kampeon ng International Physically Disabled Chess Association (IPCA) sa buong daigdig.
Nakuntento ang kababayan ni Severino na si Henry Lopez (no. 3 sa ranking at may rating na 2110) sa pagkopo ng pangalawang puwesto para sa 1-2 finish ng mga Pinoy chessers habang si Mongolian Sonom Sundui (8th seed, rating: 1645) ang pumangatlo sa paligsahang ginanap sa Tornelo platform. Si Abolgazl Eski Kazimiyan ng Iran, pangalawa sa pinapaborang magwagi sa paligsahan, ay nakuntento sa pang-apat na baitang bunga ng mas mahinang tiebreak output bagamat pareho sila ni Sundui na nakapagsuko ng 3.5 puntos sa bakbakan kung saan pinairal ang Swiss System.
Pinataob naman ni Mendoza (3rd ranked, rating: 1631) si topseed at Woman International Master Irina Ostry (rating: 2163) ng Kyrgyztan sa penultimate round bago humugot ng isa pang panalo kontra kay Vietnamese Huuen Thu Doan sa huling yugto tungo sa pagdodomina sa kompetisyon bitbit ang walang mantsang iskor na limang puntos. Isa pang pambato ng Kyrgyztan (Dariaa Kudainazariva, 12th seed, rating: 1002) ang umangkin ng huli.