ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 12, 2022
Umuusok na arangkada ang nakita mula sa nagtatanggol na kampeong si Carlo Biado matapos itong tumumbok ng dalawang panalo sa US Open Pool Championships na nasasaksihan sa palaruan ng Harrah's Resort, Atlantic City.
Hindi rin naman nagpahuli ang kapwa Pinoy at 2017 World 9-Ball Championships runner-up Roland Garcia matapos na mairehistro ang katulad na marka. Isang panalo na lang ang layo nina Biado at Garcia para makapasok sa knockout round ng prestihiyosong pagtitipon ng mga cue artists mula sa iba't-ibang parte ng mundo.
Unang pinadapa ni Biado, may Fargo rating na 819 at nagsilbing angkla ng Team Philippines na nagwagi sa World 10-Ball Team Championships, si Nikolin Dalibor ng Serbia, 9-1, bago niya tinuruan ng kasing-tinding aral si Russian Kristina Tcach sa kapareho ring iskor.
Samantala, dinaig naman ni Garcia si Jeremy Seaman (USA, 9-7) at Sullivan Clark (New Zealand, 9-5).
Hindi pa sumasalang sa mesa habang isinusulat ang artikulong ito sina "Bad Koi" Johann Chua at "The Slayer" Lee Van Corteza.
Noong 2021, isinulat ni Biado ang pangalan sa kasaysayan bilang pangalawang Pinoy pa lang na nakaupo sa trono ng prestihiyosong paligsahan. Sa hindi malilimutang finale noong isang taon, isang pamatay na 10-0 na bomba ang pinakawalan ng dating caddie para bumangon sa isang 3-8 na pagkakalubog at daigin si Singaporean Aloysius Yapp, 13-8 para sa titulo.
Taong 1994 nang magwagi si Efren Reyes sa event. Ngunit sa 46-taong kUwento ng paligsahan, 12 beses nang nakuha ang isang Pinoy ang pangalawang posisyon (tatlo rito ay sa pamamagitan pa rin ni Reyes).