ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 24, 2021
Pinangungunahan nina Francisco “Django” Bustamante, Jeffrey “Cobra” Ignacio, Ronnie “The Volcano” Alcano, Johann “Bad Koi” Chua at Anton “The Dragon” Raga ang pulutong ng mga bilyaristang sumasargo na sa gitna ng pakikipaglaban ng bansa sa pandemya ngayong nagsimula na ang pitong araw na Quezon City 10-Ball Cup sa palaruan ng Hard Times Sports Bar sa Lungsod ng Quezon.
Animnapung iba pang disipulo ng bilyar sa Pilipinas kabilang na ang mga batikang sina Antonio Lining, Baseth Mocaibat, Raymond Faraon, Marlon Manalo, Jeffrey “The Bull” De Luna at ang sumisibol na si Bernie “Benok” Regalario ay naghahangad rin na makapasok sa winners’ circle ng paligsahan kung saan paiiralin ang nararapat na health at safety protocols hanggang sa pagtatapos nito sa Hunyo 27.
Pero mabigat ang laban ng 60 kalahok na nabanggit kontra kina Bustamante at Ignacio. Si Bustamante ay isang dating World 9-Ball champion at dalawang beses nang nakipagtambalan kay Efren “Bata” Reyes upang ibigay sa Pilipinas ang dalawang “World Cup of Pool” na titulo. Ang cue artist mula sa Tarlac ay isa na ring Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer. Bagamat malapit nang maging senior citizen sa edad na 57, petmalu pa rin sa mesa si Bustamante at kamakailan nga ay pumangalawa pa siya sa “2021 Hard Times 10-Ball Cup”.
Si Ignacio naman ay isang lubhang malupit na banta sa lahat ng mga karibal dahil ito ang nagwagi sa torneo kung saan sumegunda si Bustamante. Double world champion naman ang markang nakadikit sa pangalan ni Alcano dahil naging kampeon na ito hindi lang sa larangan ng 9-ball kundi pati na sa 8-ball sa buong mundo samantalang si Chua ay dalawang beses nang naging Japan Open titlist. Si Raga naman ay nagparamdam sa daigdig ng mga petmalu nang minsan na siyang pumangalawa sa China Open.